Manny Villar--nambabastos ng taumbayan
Written By Patricio Mangubat on Thursday, July 16, 2009 | 4:15 AM
Maganda ang ginawang public forum ng PPCRV at COMELEC. Ipinagsabay nila sa iisang entablado ang mga lider Pilipinong nagnanais makupo ang panguluhan sa 2010. Sa kabila ng panaka-nakang pag-ulan, naroroon sina Senator Loren Legarda, Chiz Escudero, Richard Gordon, Governor Ed Panlilio, dating pangulong Joseph Estrada, at Mar Roxas. Wala roon sina Defense secretary Gilbert Gibo Teodoro, Noli de Castro, Bayani Fernando at Manny Villar.
Hindi na kataka-taka na wala roon sina Noli at Villar, sapagkat sa una pa lamang, nagpahayag na ng hindi kahandaan ang mga ito na pumunta sa mga ganitong forum. Ngunit, sa lahat ng presidentiables, tanging si Manny Villar lamang ang hindi nagpapakita, ni anino niya, sa mga forum na ito. Lahat na, mula kay Legarda hanggang kay Fernando, ay nakalahok na.
Malaking pambabastos sa taumbayan ang ginagawang ito ni Manny Villar. Naturingan pa naman kuno siyang "oposisyon", at may pagmamahal sa kapakanan ng taumbayan, ngunit ngayon pa lang, ipinapakita na ni Villar ang pambabastos. Kung ngayon pa lamang ay wala nang hangad na makipag-ugnayan sa taumbayan itong si Villar, paano pa kung pangulo na siya't nasasa palasyo? Mas lalo siguro siyang hindi makikita ng sambayanan.
Naging mahalaga din ang nasabing forum dahil lumagda sa kasunduan ng pagtataguyod ng malinis na halalan ang mga kandidato gayundin naipahayag nila ang kanilang kahandaang labanan ang cha-cha---mga mahalagang usaping may direktang kinalaman sa pagtataguyod ng kapakanan ng karamihan.
Ibig bagang sabihin ni Villar ay hindi siya naniniwala sa malinis na halalan at hangad niyang kunin ang panguluhan sa pamamagitan ng kanyang kayamanan? Ito rin ba ang indikasyon na ibig ni Villar na baguhin ang saligang batas at tumakbo na lamang bilang Congressman sa ilalim ng isang kongresong pamumunuan ng isang Punong Ministrong ang ngalan ay Arroyo?
Bastos at kawalang galang ang pinapakita ni Villar. Bakit? Takot ba siyang batuhin ng taumbayan dahil sa sanlaksang iskandalong kinasangkutan niya?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment